Maintenance Repair & Overhaul Air Cargo

Home - Regional Stories - Philippines

Pilipinas at New Zealand lumagda sa kasunduan para sa pagpapalakas ng depensa

Philippines Jef Maitem - : Jul 10, 2025 - : 10:14 am

Sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon sa South China Sea, kamakailan ay lumagda ang Pilipinas at New Zealand sa isang kasunduan na naglalayong palakasin ang depensa sa rehiyon — isang hakbang na ayon sa mga eksperto tugma sa pagsisikap ng Maynila na palawakin ang mga ugnayang pangseguridad sa mga bansang kaalyado nito.

Ang kasunduan, Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA), na nilagdaan noong buwan ng Abril sa pagitan nina Philippine Defense Secretary Gilberto Teodoro at New Zealand Defence Minister Judith Collins, ay naglalayong papayagan ng dalawang bansa ang kanilang sandatahang lakas na magsagawa ng pinagsanib na pagsasanay sa kani-kanilang teritoryo at palakasin ang kanilang kakayahang magsagawa ng magkasanib na operasyon.

Pinatitibay rin nito ang naunang kasunduang Mutual Logistics Support Arrangement na nilagdaan noong Hunyo 2024, na nagbubukas ng mas malawak na pagkakataon upang lalo pang lumalim ang pagtutulungan ng dalawang bansa hinggil sa seguridad sa Indo-Pacific.

“Ang kasunduang ito ay hindi nakatuon laban sa kahit anong bansa, kundi isang malinaw na pagpapatunay na ang Pilipinas at New Zealand ay nakatuon sa internasyonal na batas, kalayaan sa paglalayag, at mapayapang pagresolba ng anumang hidwaan,” ayon kay Philippine National Security Advisor Eduardo Año.

Sinabi naman ni Collins na ang kanilang kasunduan ay “sumasalamin sa tibay ng relasyon nito at Pilipinas, kung saan anya ang depensa ay isang mahalagang bahagi ng kanilang ugnayan.

“Maganda na ang ugnayan at pagtutulungan ng ating mga sandatahang lakas, at ang kasunduang ito ay lilikha ng mga kundisyon upang mas maayos at walang tigil na kooperasyon sa larangan ng depensang militar,” paliwanag ni Collins.

Seguridad sa Pamamagitan ng Pakikipag-alyansa Ang SOVFA ay nilagdaan ng dalawang bansa sa harap ng lumalalim na tensiyon sa rehiyon. Noong ng Setyembre 2024, pormal na lumahok ang New Zealand sa isinasagawang pagsasanay sa karagatan ng mga bansang Australia, Japan, Pilipinas, at Estados Unidos.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakilahok ang nasabing bansa sa ganitong uri ng pagsasanay sa harap ng sunod-sunod na panggigipit ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas sa loob ng exclusive economic zone. Kabilang sa mga uri ng panggigipit na ito ang paggamit ng water cannon, military-grade laser, at ang sinasadyang pagbangga ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Samantala, sa harap naman ng tumitinding banta patungkol sa ilegal na pangingisda, human trafficking, at mga sakunang may kanalaman sa klima, lumagda ang Pilipinas nitong mga nakaraang taon ng Visiting Forces Agreements (VFA) sa Japan at Australia, samantalang kasalukuyan nakikipag-usap sa bansang Canada para sa kahalintulad na kasunduan.

Maliban dyan, ang Pilipinas at Amerika ay may umiiral ding VFA na nilagdaan noong 1991 kung saan nagbibigay ito ng legal na batayan para sa malakihang pagsasanay-militar sa bansa tulad ng Balikatan at Salaknib.

Kamakailan lang, ipinahayag ng Pilipinas na nais nitong bumili ng mga modernong kagamitang pandigma tulad ng F-16 fighter jet, BrahMos missile at karagdagang FA-50 jets mula sa bansang South Korea.

Ang mga ito ay bahagi ng Re-Horizon 3, isang inisyatiba ng pamahalaan na nilagdaan noong Enero ng nakaraang taon at may pondong US$35 bilyon upang palakasin ang Sandatahang Lakas ng bansa sa susunod na dekada.

Bakit Ito Mahalaga

Bagaman hindi gaanong napansin ang kasunduang nilagdaan ng Pilipinas at New Zealand noong Abril, akma ito sa estratehiya ng bansa na bumuo ng matibay na estruktura ng seguridad kasama ang mga pinagkakatiwalaang katuwang na bansa sa buong Indo-Pacific.

Para naman sa New Zealand, nagpapahiwatig ito ng mas matatag na posisyon sa rehiyon bilang suporta sa isang rules-based na kaayusang pandagat, sa pamamagitan ng mas malalim na ugnayang militar.

Habang nakatuon ang Pilipinas sa modernisasyon ng Sandatahang Lakas sa susunod na dekada, itinuturing nitong pinakamahalagang yaman ang mga nabuo nitong alyansa upang matiyak ang integridad ng teritoryo at ang estratehikong kalayaan ng bansa — nang hindi nauuwi sa direktang sigalot.

MORE NEWS
gbp-logo

Headquartered in Singapore with reporters spread across all major regions, GBP Aerospace & Defence is a leading media house that publishes three publications that serve the aerospace and defence sector - Asian Defence Technology, Asian Airlines & Aerospace and Daily News. Known industry-wide for quality journalism, GBP Aerospace & Defence is present at more international tradeshows and exhibitions than any other competing publication in the region.
For over three decades, our award-winning team of reporters has been producing top-notch content to help readers stay abreast of the latest developements in the field of commercial aviation, MRO, defence, and Space.

Popular Posts

Copyright 2026. GBP. All Rights Reserved.

Home Defence & Security Space Commercial Aviation Maintence Repair & Overhaul Daily News Events About Us