Maintenance Repair & Overhaul Air Cargo

Home - Regional Stories - Philippines

Pilipinas, Ikinatuwa ang Ugnayang Depensa sa Brazil; Malaking Ambag sa Modernisasyon ng AFP

Philippines Jef Maitem - : Feb 8, 2026 - : 9:12 pm

Nagpahayag ng pasasalamat ang Department of National Defense (DND) sa Brazil bilang nag-iisang kaalyado ng Pilipinas sa Latin America at isa sa mga pangunahing katuwang sa patuloy na modernisasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas o Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito ang sinabi ni Defense Senior Undersecretary Irineo Espino nang tanggapin niya ang bagong talagang non-resident defense attaché ng Brazil sa Pilipinas na si Capt. Luciano da Silva Maciel sa isang courtesy call sa Camp Aguinaldo noong Pebrero 5.

Sinabi ni DND spokesperson Arsenio Andolong, dumalo rin sa nasabing courtesy call ang Ambassador ng Brazil sa Pilipinas na si Gilberto Fonseca Guimarães de Moura at ang Deputy Head of Mission na si Rubem Guimarães Coan Fabro Amaral.

Kasabay ng paggunita sa ika-80 anibersaryo ng ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Brazil ngayong taon, sinabi ni Andolong na muling pinagtibay ng dalawang panig ang pagpapalakas ng bilateral defense partnership sa pamamagitan ng kooperasyon sa logistics, defense industry, at maritime security.

Binanggit din ni Espino na kapwa pinahahalagahan ng Pilipinas at Brazil ang multilateralism at mapayapang paglutas ng mga sigalot. Kaugnay nito, iginiit niya ang pagpapatupad ng DND ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept at ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga like-minded partners upang itaguyod ang rules-based international order.

Pinuri naman ni Espino ang Brazil bilang isa sa mahahalagang katuwang ng Pilipinas sa AFP Modernization Program at tinalakay ang mga oportunidad para sa technology exchange bilang bahagi ng pagtataguyod ng Self-Reliant Defense Posture ng bansa.

Noong 2020, matagumpay na naihatid ng Embraer—isang multinational aerospace company mula Brazil—ang anim na bagong A-29B “Super Tucano” aircraft sa Philippine Air Force para sa ground-attack missions. Ayon sa mga ulat, plano ring kumuha ang Pilipinas ng anim pang A-29B upang lalo pang palakasin ang kakayahan ng PAF.

Sa panig naman ng Brazil, ipinahayag ng ambassador ang suporta sa mga inisyatibang pangdepensa upang higit pang patibayin ang kooperasyon sa larangan ng defense at security, at ipinaabot ang pagbati sa Pilipinas para sa ASEAN Chairship nito sa 2026. Ipinahayag din niya ang kumpiyansa na makatutulong si Capt. Maciel sa pagpapalawak ng ugnayan ng mga defense at military establishment ng Brazil at Pilipinas.

Ang Brazil ang nag-iisang pormal na defense partner ng Pilipinas sa Latin America, kasunod ng paglagda ng Memorandum of Understanding on Defense Cooperation noong 2022.

MORE NEWS
gbp-logo

Headquartered in Singapore with reporters spread across all major regions, GBP Aerospace & Defence is a leading media house that publishes three publications that serve the aerospace and defence sector - Asian Defence Technology, Asian Airlines & Aerospace and Daily News. Known industry-wide for quality journalism, GBP Aerospace & Defence is present at more international tradeshows and exhibitions than any other competing publication in the region.
For over three decades, our award-winning team of reporters has been producing top-notch content to help readers stay abreast of the latest developements in the field of commercial aviation, MRO, defence, and Space.

Popular Posts

Copyright 2026. GBP. All Rights Reserved.

Home Defence & Security Space Commercial Aviation Maintence Repair & Overhaul Daily News Events About Us