Kamakailan ay nagsagawa ng pagsasanay ang Royal Australian Air Force (RAAF) sa mga tauhan ng Hukbong Himpapawid ng Pilipinas upang mas lalong mapalakas ang kakayahan nitong magsagawa ng mga operasyon sa malalayo o mga napinsalang paliparan — isang kritikal na pangangailangan ng Pilipinas na madalas tamaan ng kalamidad.
Noong Mayo 2025, nagpadala ang RAAF ng dalawang Mobile Training Teams (MTTs) sa Pilipinas sa ilalim ng nagpapatuloy na Joint Australian Training Team–Philippines (JATT-P) initiative.
Nakatuon ang isang MTT sa operasyon ng Air Traffic Control (ATC) para sa forward deployment, habang nagsagawa naman ang isa pa ng pagsasanay hinggil sa Airfield Damage Repair at Airfield Survey. Mahalaga ang mga kasanayang ito sa isang rehiyong madalas umasa sa mga payak na paliparan bilang lifeline sa gitna ng mga krisis.
“Ang mga deployment na ito ay idinisenyo upang paunlarin ang kakayahan ng Australia at Pilipinas na magsanib-puwersa sa mahahalagang operasyon gamit ang mga paliparan,” ayon kay Squadron Leader Mick Lane, Air Operations and Training Officer ng JATT-P sa Maynila.
Sa ginanap na pagsasanay sa Clark Air Base sa Luzon, binubuo ito ng tatlong bihasang tauhan ng RAAF mula sa No. 44 Wing.
Bagaman nagpapatakbo ang Hukbong Himpapawid ng Pilipinas ng mga fixed-base ATC system, limitado naman ang karanasan nito pagdating sa usapin ng mobile o expeditionary air traffic operations — isang kakulangan na layuning matugunan ng MTT.
“Nagbigay ang RAAF team ng mahahalagang kaalaman hinggil sa pagpaplano at pagkontrol ng himpapawid na nasasakupan sa panahon ng mga operasyong sibilyan at militar. Kabilang dito ang procedural control kung saan walang radar, at sa pamamahala ng himpapawid na nasasakupang may kasamang mga Unmanned Aerial System,” paliwanag ni Squadron Leader Lane.
Kabilang naman sa mga praktikal na sesyon na ipinamalas ng RAAF ang desktop exercise, mga case study mula sa totoong mga pangyayari, at mga aralin hinggil sa paghihiwalay ng daloy ng mga sasakyang sibilyan at militar sa himpapawid –mga kaalamang makatutulong sa Hukbong Himpapawid ng Pilipinas na makapagpatayo ng mga ATC system sa panahon ng kagipitan.
Noong Mayo 2023, bumisita sa bansa si Australian Foreign Minister Penny Wong at inanunsyo ang kahandaan ng Australia na itaas ang kanilang relasyon sa antas ng isang “strategic partnership”.
Maliban sa Clark Air Base, nagtungo rin ang ikalawang MTT sa Basa Air Base at nagsagawa ng kahalintulad na pagsasanay. Pinangunahan ito ng mga espesyalista mula sa Combat Support Group ng RAAF, 4 Squadron, Mobile Airfield Engineering Team ng Air Mobility Control Centre, at ng 295 Squadron.
Dahil madalas masira ang mga pasilidad at istruktura ng mga paliparan dahil sa mga bagyo, lindol, o posibleng pag-atake, binigyang diin ni Lane na napakahalaga ng kakayahang mabilis na masuri at maayos ang mga ito bilang suporta sa pagdadala ng tropa at kagamitan sa himpapawid at sa pagtugon sa mga sakuna.
“Sa pamamagitan nito, nakatitiyak tayong ligtas na makakalapag ang mga eroplano tulad ng C-130 Hercules, at hindi rin mapapahamak ang imprastruktura sa mas pangmatagalang operasyon,” ayon kay Lane.
Samantala, nagsagawa rin ang RAAF team ng mga praktikal na pagsasanay sa Fort Magsaysay at Woodland Airpark upang mabigyan ng direktang karanasan ang mga kawal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa mga aktuwal na kundisyon ng mga paliparan.
Bahagi rito ang dalawang MTT sa mahigit 20 aktibidad na nakaplanong isagawa ngayong taon sa ilalim ng programa ng JATT-P. Ito’y patunay ng lalong lumalalim na kooperasyon sa pagitan ng Australia at Pilipinas.
“Magbibigay-daan ang pagsasanay na ito para makipagsanib-puwersa ang dalawang bansa sa mga susunod na operasyon, at magbukas ng higit pang kooperasyon para sa kahandaan ng mga paliparan,” paliwanag pa ni Lane.
Habang tumitindi naman ang tensiyon at banta ng mga kalamidad, pinatutunayan lamang ng ganitong kooperasyong pangdepensa na hindi ito basta simbolikong hakbang — kundi isang mahalagang bahagi ng seguridad.
Headquartered in Singapore with reporters spread across all major regions, GBP Aerospace & Defence is a leading media house that publishes three publications that serve the aerospace and defence sector - Asian Defence Technology, Asian Airlines & Aerospace and Daily News. Known industry-wide for quality journalism, GBP Aerospace & Defence is present at more international tradeshows and exhibitions than any other competing publication in the region.
For over three decades, our award-winning team of reporters has been producing top-notch content to help readers stay abreast of the latest developements in the field of commercial aviation, MRO, defence, and Space.
Copyright 2026. GBP. All Rights Reserved.